050415


Tapos na akong mahalin ka.

Wag kang mag-alala. 
Alam ko naman na hindi mo hiningi ang pagmamahal na kusa kong ibinigay sa'yo
At alam ko namang hindi mo kailangang malaman ang lahat ng nararamdaman ko pero...

Kailangan kong ilabas ang lahat ng salita,
Kailangan kong palayain ang lahat ng damdamin,
Kailangan kong durugin ang bawat alaala,
Kailangan kong kalimutan ang bawat halik sa hangin,

Upang sa wakas
Ay mabura na kita
sa puso't isip ko.

Wag kang mag-alala.
Alam ko naman na simula't sapul, walang pagmamahal na naidudulot ang pagsuyo ko.
Siguro nga'y nabulag ako sa mga pagkapungay ng mga mata mo,
Siguro nga'y nabihag ako sa ganda ng buhok mo,
Siguro nga'y nabaliw ako sa liwanag ng ngiti mo pero...

Alam ko, kahit noon pa man na walang pagmamahal ang mga tingin mo.
Kahit na sinabi mong gusto mong nasa tabi mo ako,
Alam ko naman na dadating ang panahon na isasantabi mo rin ang tulad ko.

Putangina.
Huwag kang mag-alala.
Alam ko naman na kahit ilang gabi ang palipasin ko na ikaw lang ang nasa puso't isip ko ay hindi parin iyon sapat na mahalin mo din and isang katulad ko.
Alam ko naman na hindi ako ang tao na sa wakas ay makakapasok sa makitid na daan patungo sa puso mo upang mabigyan ng pagkakataon na mahalin ka ng lubos.

Alam ko naman na hindi ako yung taong makaka-akyat sa mga bakod na nakapaligid sa'yo dahil nakita ko kung paano mo dinadagdagan ng kahoy at graba ang iyong mga bakod sa tuwing mahahawakan ko ang tuktok nito at dahil doon ay unti-unting naiipit at nasasaktan ang aking mga daliri na ang tanging asam lamang ay mahawakan at mahagkan kang muli,


Alam ko ang lahat.
At kahit alam ko na hindi ako ang hanap mo,
Hindi ko parin napigilang mahulog sa'yo.

Pero sabi ko nga, diba?
Wag kang mag-alala.
Dahil tapos na akong sambahin ka.
Tapos na akong mahalin ka.

Patawad kung matagal bago kita napakawalan.
Mahirap kasi na sa tuwing nakikita ko ang mga ngiti mo,
Sa paligid ay nawawalan ng ibang tao.

Patawad kung matagal bago kita napakawalan.
Mahirap kasi na sa tuwing may bumabanggit ng pangalan mo,
Abot tenga parin ang tawa't ngiti ko.

Patawad kung matagal bago kita napakawalan,
Mahirap kasi,,,
Ikaw noon ang bukambibig ng puso ko.

At pawatad kung matagal bago kita napakawalan,
Mahirap kasi na kahit alam mo na ikaw ang pinili ko,
Hindi parin iyon sapat para sumugal ka sa tulad ko.

Siguro nga'y masyado kitang inilagay sa pedestal,
Na ang tingin ko sa'yo ay anghel na walang maling magagawa,
Na ang tingin ko ay ikaw lang ang taong makakaya kong lubusing mahalin.
Na ikaw lamang ang bukod tanging makakapagpasaya sakin.

Nakalimutan kong tao ka rin.

Kaya patawad kung matagal bago kita pinakawalan.
Pero hinding-hindi ako hihingi ng tawad na minahal kita.
At sa ngayon, ang hiling ko lang ay wag ka nang mag-alala.


Dahil tapos na akong mahalin ka.

Always.

Popular Posts